2 babaeng online seller, patay sa karambola sa Nueva Ecija

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 05:03 AM

Patay ang dalawang babaeng online seller sa karambola sa Maharlika Highway sa Barangay Caanawan, San Jose City, Nueva Ecija nitong Martes ng hapon.

Yupi rin ang tricycle na sinasakyan ng dalawa na nakabanggaan ng truck at kotse.

Ayon kay Police Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng San Jose City Police, magde-deliver sana ng panindang gatas ang mga biktima.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, binabaybay ng tricycle ang Maharlika Highway nang mag-overtake sa kanan ang pulang kotse mula sa likuran nito.

Hindi natantya ng driver ng kotse ang puno sa gilid ng kalsada kaya nahagip ito ng kotse at nabangga ang likod ng kasunod na tricycle.

Nawalan ng kontrol ang nagmamaneho ng tricycle na si Abegail Paragas.

Parating naman sa kabilang lane ang isang trailer truck na nakasalpukan ng tricycle.

Itinakbo sa ospital sina Paragas at sakay nitong si Gladys Enopia pero binawian din sila ng buhay dahil sa malubhang mga tinamong sugat.

Nasa kustodiya ng pulisya ang drayber ng kotse at trak na sasampahan ng mga kasong kriminal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.