Suspek sa brutal na pagpatay sa guro sa Iligan City arestado

Roxanne Arevalo, ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 04:09 PM

Matapos ang apat na buwang pagtatago, nahuli na rin ang suspek na pumatay sa kaniyang karelasyong guro habang nagkaklase ito sa Iligan City. Roxanne Arevalo, ABS-CBN News


ILIGAN CITY – Bumagsak na rin sa kamay ng awtoridad ang lalaking brutal na pumatay sa kaniyang karelasyong guro noong Enero.

Natunton ng mga pulis sa Marawi City si Albert Bansalao, dating karelasyon ng biktimang si Cheryl Dologuin.

Apat na buwang nagtago si Bansalao matapos na pagsasaksakin ang guro habang nagkaklase sa Bacuitana Elementary School sa Barangay Hindang.

Hiniwalayan umano at iniwasan ng guro si Bansalao matapos malamang may asawa’t mga anak pala ito.

Ayon kay Station 5 Deputy Commander Police Captain Ferdinand Destua, ipinagtapat ng suspek sa kanila na nasagad ang kaniyang galit nang ipa-blotter at pinapuntahan pa ng guro sa mga pulis ang kaniyang bahay. 

Sabi naman ng ina ng biktima na si Lydia, pina-blotter nila si Bansalao nang tangkain nitong dukutin ang biktima.

Hiling ni Lydia na mapanagot din ang driver ng habal-habal na ginamit ni Bansalao sa pagtakas matapos ang krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.