Stuntman timbog sa ilegal na pag-iingat ng mga baril

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 03:21 PM

Naaresto ang isang lalaki sa Cainta, Rizal matapos umano siyang makuhanan ng mga hindi lisensiyadong baril, sabi ngayong Martes ng pulisya. 

Dinampot ng mga operatiba ng Detective and Special Operations Unit (DSOU) ng Criminal Investigation and Detection Group si Ryan Cabañas, 38, habang sinisilbihan siya ng search warrant sa kaniyang bahay sa Pag-IBIG Homes, Barangay San Andres.

Sa gitna ng pagpapatupad ng search warrant, nakuha kay Cabañas ang sari-saring mga baril, mga bala, at bulletproof vest na may tatak ng National Bureau of Investigation, ayon sa ulat ng pulisya.

Nagtatrabaho bilang stuntman ang suspek, ayon sa ulat.

Sinabi rin ni DSOU chief Police Lt. Col. Domingo Soriano na may warrant of arrest din laban sa suspek para sa kasong syndicated illegal recruitment.

Inihahanda na rin ang kasong illegal possession of firearms laban sa suspek. 

--Ulat nina Zhander Cayabyab at Raffy Santos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.