Ilang guro sariling pera ang pambili ng visual aid sa eskuwela

ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 07:40 PM | Updated as of May 28 2019 08:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maagang natapos sa pag-aayos ng silid-aralan ang gurong si Redilla Insigne dahil sabik na siyang salubungin ang kaniyang mga estudyante sa Lunes.

Hindi lang pagod ang puhunan ni Insigne, na nagtatrabaho sa Dagat-Dagatan Elementary School sa Navotas, sa paghanda sa magandang silid. Ang mga visual aid kasi ay pinagkagastusan niya mula mismo sa kaniyang sariling pera.

"Nararamdaman din namin 'yong lungkot sa sarili kasi imbes na igastos ko sa anak ko, iaano mo pa, ipambibili mo pa para igastos dito sa eskuwelahan," ani Insigne.

Mag-isang itinataguyod ni Insigne ang 4 na anak.

Sa sahod na P25,000, higit P5,000 na lang daw ang naiuuwi ni Insigne kada buwan dahil sa kaliwa't kanang utang.

Para madagdagan ang pera para sa pamilya, nagtitinda rin si Insigne ng biko at alamang.

Ikinalungkot naman ng Teachers' Dignity Coalition (TDC) ang realidad na kailangang pagdaanan ng ilang guro gaya ni Insigne.

Matapos itaas ang sahod ng mga pulis at sundalo, ipinanawagan ng grupo na sunod namang taasan ang sahod ng mga guro.

"Teacher ka dapat, at least advanced ka economically," ani TDC national chairperson Benjo Basas.

Ayon naman sa Department of Education (DepEd), may cash allowance naman na P3,500 na ibinigay ang kagawaran para sa mga visual aid na kailangan ng mga guro kaya hindi na nila kailangan gamitin ang personal na pera.

Malinaw din sa isang kautusan ng kagawaran na ang mga paaralan ay may pondo para sa maintenance and other operating expenses. 

Isa sa puwedeng paggamitan ng pondo ay para bumili ng supplies at ibang gamit na makatutulong para sa pag-aaral ng mga bata.

Hindi naman tutol ang DepEd sa taas-sahod pero hindi rin daw ito madaling gawin.

"Kailangan nating ma-comprehend saan natin kukuhanin ang pantaas ng suweldo?" ani Education Undersecretary Anne Sevilla.

"Either ta-tax-an tayo or uutang ang gobyerno," dagdag ni Sevilla.

--Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.