Ginang na minsang nanganak sa taxi, napaanak naman ngayon sa mall sa CDO

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at May 28 2019 05:41 PM | Updated as of May 29 2019 01:44 AM

CAGAYAN DE ORO CITY—Sa hagdan sa labas ng isang mall sa Barangay Bulua sa lungsod na ito inabutan ng panganganak ang isang 23-anyos na ginang, Lunes ng umaga.

Nakunan pa ng video ang pagtulong na ginawa ng mga miyembro ng Bureau of Fire Protection kay Jaira Honey Mae Gawat habang napalibutan naman sila ng mga mamimili.

Ayon kay FO1 Jan Patrick Gemina, swerte na nag-iinspeksyon sa mall ang kanilang kasamahan kaya mabilis silang nakaresponde.

Kuwento ni Gawat kakatapos lang nilang magpa-enroll at bibili lang sana ng bag at sapatos para sa kaniyang kindergarten na anak nang bigla na lang pumutok ang kaniyang panubigan.

Ayon sa midwife ng barangay na si Marisa Viernes, malusog naman ang sanggol na may timbang na 3.4 kilos at pinangalanang Jhailhea.

Pero nagpaalala pa rin sila na importante ang pagpa-prenatal check-up para masigurong malusog ang bata at matantsa ang paglabas nito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi ito ang unang pagkakataon na nanganak sa labas at hindi sa ospital si Gawat. Taong 2017 nang napaanak din siya sa taxi habang papunta sa ospital sa kaniyang pang-5 anak. 

Nagdagdag pa ng paalala ang midwife na maglagi na lang sa bahay kung kabuwanan na para makaiwas sa kapahamakan ang mag-ina.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.