Tulong hatid sa grupo ng mga bus driver, konduktor na na-stranded sa Samar

ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 08:17 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi mapigilang maging emosyonal ang 63 anyos na bus driver na si Jimmy Estoras habang ikinukuwento ang kanilang kalagayan sa isang bus terminal sa Gamay, Northern Samar.

Kasama ang 5 pang driver, isang mekaniko at isang konduktor, higit 2 buwan silang hindi nakauwi sa kanilang mga pamilya sa Luzon dahil sa enhanced community quarantine.

Kahit naka-general community quarantine na ang lalawigan, problema pa rin nila ang sasakyan at pamasahe.

Inabutan din umano sila ng paghagupit ng bagyong Ambo.

"Kami sana humihingi sa aming kompanya ng tulong, kung maaari tulungan kami dito dahil hirap na hirap talaga kami," ani Estoras.

Labis namang nag-aalala ang konduktor na si Jayson Salera sa situwasyon ng misis na may sakit at panggatas ng kaniyang 2 taong gulang na anak sa San Jose del Monte, Bulacan.

"Iyong anak mo, asawa mo naghahanapbuhay para lang mapagatas ang anak mo, kung alam ko lang mangyayari ito, hindi na ako pumasok dito," ani Salera.

Handa naman ang lokal na pamahalaan ng Gamay na magbigay ng permit para makauwi ang grupo nina Estoras at Salera.

"We are just waiting for the coordination doon sa place of destination nila but we are ready to comply the documents that would be needed in the transport of these stranded individuals," ani Gamay Mayor Timoteo Capoquian Jr.

Paliwanag naman ng Goldtrans Tours bus company, nagpabale sila sa kanilang mga empleyado at pinoproseso ang ibang government benefits. 

Pero hindi rin daw nila puwedeng ipagamit ang bus pauwi ng Maynila.

"Hihintayin pa po natin 'yong permit na galing po sa LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board)," ani Elzaide Adlawan, kalihim ng Goldtrans Tours.

Binisita ng Sagip Kapamilya ang pamilya ni Salera sa San Jose del Monte, Bulacan. Nakipag-usap sina Salera at kaniyang pamilya sa pamamagitan ng video call. 

Habang naghihintay ng kanilang pag-uwi, nag-abot ng kaunting tulong sa grupo nina Salera ang Sagip Kapamilya.

Binigyan din ng diapers at food packs ang pamilya ni Salera. -- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.