Ilang eksperto may agam-agam sa pagpapatupad ng GCQ sa NCR

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 07:46 PM | Updated as of May 27 2020 08:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Matapos magkasundo ang Metro Manila mayors na irekomenda ang pagpapatupad ng general community quarantine sa rehiyon pagsapit ng Hunyo, may agam-agam naman ang ilang eksperto sa hakbang na ito.

Sa forecast ng ilang propesor mula sa University of the Philippines, kung saan kabilang si Guido David mula sa Institute of Mathematics ng pamantasan, sinasabing mula Mayo 16 hanggang 25 ay halos hindi umano nagbago ang bilang ng mga naitalang kaso ng COVID-19.

"If you have the mobility and you don’t have the testing capacity, di pa nagagawa 'yung testing that we need, magkakaroon talaga ng surge in numbers," babala ni David.

Bagama't hindi na kasingtarik ang pagdami ng mga nagkakasakit mula Marso 21, patuloy pa rin itong nadadagdagan. 

Kung ang bawat lungsod naman ang titingnan, iba-iba rin ang trend ng datos. 

Dahil dito, mas gusto ng grupo nila David na ipagpatuloy ang modified ECQ sa Kamaynilaan.

Pero kung ang isang infectious diseases expert ang tatanungin, puwede nang irekomenda ang GCQ base sa mga bagong naitatalang bilang ng COVID-19, ganon na rin ang mga nasasawi.

"We’ll never know how it is without going into GCQ. We just got to be careful... The numbers are low, even the death rate is low... We need that cooperation on our part as well. If you’re afraid to go out, then don’t go out," ani Dr. Benjamin Co, infectious diseases expert.

Sabi ng Department of Health (DOH), patuloy na humahaba ang case doubling time o 'yung mga araw kung saan dumodoble ang bilang ng mga naitatalang may COVID-19.

Gayunman, sinabi ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire na hindi lang naman ang bilang ng mga kaso ang tinitingnan.

"Kino-consider din po ang security factors, ang economic factors and also... 'yung social assistance na naibibigay sa ating mamamayan. Kaya hindi po tayo magbibigay ng posisyon. Kailangan ang posisyon ay collectively galing from IATF," ani Vergeire.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.