Barangay officials na umano'y sangkot sa anomalya sa SAP sa Negros Occidental, kinasuhan na

Mitch Lipa, ABS-CBN News

Posted at May 27 2020 07:06 PM

BACOLOD CITY - Sinampahan na ng kaso nitong Miyerkoles ang isang punong barangay, barangay secretary at tatlong barangay health workers sa Barangay To-oy sa lungsod ng Himamaylan sa lalawigan ng Negros Occidental dahil sa umano'y pagretoke sa ilang dokumento ng benepisyaryo ng Social Amelioration Program.


Kasong Falsification of Public /Official Documents under Article 72 of the Revised Penal Code, Violation of R A 6713 Code of Conduct and Ethical Standards for Pubmic Officials and Employees at kasong paglabag sa RA 11469 Bayanihan Heal As One Act ang isinampa laban kay Punong Barangay Tezardo Tejada, Barangay Secretary Josephine Mongcal at mga Barangay Health Workers na sina Gerelyn Gomez, Ma. Cristina Nifras at Gina Ortega.


Ayon kay Officer-in-Charge ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bacolod na si Police Chief Master Sergeant Ramiro Gocotano, dumulog sa kanilang tanggapan ang limang complainant dahil kanilang nadiskubre na pinalitan ang inilagay nilang detalye ng kanilang suweldo sa mga form na kanilang ibinigay nang magsagawa ng survey ang mga barangay health workers.

"Confirmed na tinampered ang amount sa income nila instead na P5,000 o P6,000, nagawang P15,000 ang nakalagay
,kaya hindi sila na qualified," ani Gocotano.


Ayon naman sa inireklamong si Tejada, hindi totoo ang mga paratang sa kanila at handa silang sagutin ito sa korte. 

"Mayroon akong hinahawakang ebidensya na magpapatunay na hindi rinetoke ang pormas," aniya.

Paniwala nito na may ilang maimpluwensiyang tao sa kanilang lungsod na nag-udyok sa limang complainants laban sa kaniya.


Ayon naman kay Gocotano, malakas man ang kanilang nakuhang ebidensya laban sa mga akusado, ay bibigyan pa rin ng sapat na panahon ang mga akusado upang sagutin ang mga akusasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.