Gurong nananahi ng seat cover para sa mga estudyante, hinangaan

Elaine Fulgencio, ABS-CBN News

Posted at May 27 2019 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

VICTORIA, Tarlac - Hinangaan ng netizens ang isang guro na nagtatahi ng seat cover para sa upuan ng kaniyang mga estudyante sa Victoria, Tarlac.

Nagtuturo sa Balanga Elementary School ang gurong si Merlita Narne. Aniya, inspirasyon niya ang pinagdaanan niya noong estudyante pa siya.

"Dati sobrang hirap 'yung mga upuan, sira-sira tapos mainit pa, siksikan siyempre. Ayoko maranasan nila 'yun," aniya.

Dalawampu't isang taon nang guro si Narne.

Ang ilan sa mga seat cover ay ibinigay sa kaniya habang ang iba naman ay galing sa kaniyang sariling bulsa.

Katuwang niya sa pag-aayos ng silid aralan ang kaniyang asawa.

Dahil sa dedikasyon ni Narne, ilang beses na rin siyang tumanggap ng mga parangal gaya ng Most Innovative Classroom at Most Creative Classroom.

Maalwan ang nasa 24 Grade 1 pupils na tinuturuan ni Narne dahil may foam ang mga upuan.

Malaking tulong din umano sa mga estudyante ang maayos na mga upuan para maging mas aktibo sila sa klase.

"Mas nakakapag-focus sila kasi relaxed saka hindi sila distracted," ani Narne.

Para kay Narne, pangalawang ina na siya ng kaniyang mga estudyante kaya sisiguruhin niyang maayos ang kanilang kalagayan sa eskuwelahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.