Ilegal na contractualization, paano maiiwasan?

ABS-CBN News

Posted at May 27 2018 08:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumapalo sa 3,377 ang kabuuang bilang ng mga kompanyang hinihinala o kaya'y nadiskubreng may ilegal na contractualization, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Tingin ng isang eksperto, maiiwasan ang contractualization kung tataas ang antas ng skills ng manggagawa, gayundin ang serbisyo ng mga industriya.

"Priority, hiring ng mga skilled, talented, educated workers... bibigyan ng additional training," ani Dr. Rene Ofreneo, dating dekano ng UP School of Labor and Industrial Relations. 

"Walang incentive ang employer na basta magre-resort sa short-term hiring kasi sayang."

Ani Ofreneo, mayroon talagang mga trabahong puwedeng gawing contractual lalo na kung ang pangangailangan sa manggagawa ay seasonal o pana-panahon lamang at hindi pirming buong taon.

Dagdag din Ofreneo, kahit hindi para sa lahat, puwede rin namang subukan ng isang manggagawa ang trabahong freelance kung saan nakadepende ang trabaho sa kakayahan ng trabahador na ialok ang kaniyang serbisyo sa isang kliyente.

Ganito ang set-up sa trabaho ngayon ni Mark Belosa na isang freelance virtual assistant sa iba't ibang online companies.

Bago maging freelance worker, walong taon ding nagtrabaho bilang call center agent si Belosa.

Aniya, mas madali sa kaniya ang maging freelance worker.

"May clients na they don't require you to work on a schedule basta you deliver... sahod almost the same if not more than what I was earning sa call center. Maraming opportunities to be honest," ani Belosa.

Freelancer man, sinisiguro ni Belosa na patuloy ang boluntrayong hulog sa Social Security System, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund.

Nagkuwento naman si Joe Ryan Mariscal sa kaniyang karanasan bilang contractual worker.

Aniya, ilang beses siyang sumubok mag-apply sa direct hiring pero nauuwi pa rin siya sa agency.

"Mahirap lang mag-a-apply ka through direct [hiring], pero pagdating ng ano, ipapasa ka rin nila through agency. So contractual pa rin... ang bagsak mo," ani Mariscal.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.