13-anyos patay, 3 iba pa sugatan sa pagguho ng bahay sa may sapa sa QC

ABS-CBN News

Posted at May 26 2020 01:48 PM | Updated as of May 26 2020 07:51 PM

MAYNILA — Patay ang isang 13-anyos na dalagita habang sugatan ang 3 ipa pa nang gumuho ang kanilang tirahan na nakabitin sa taas ng isang sapa sa Tomas Morato, Quezon City. 

Kuwento ng may-ari ng bahay na si Sonny Macabagdal, bigla na lang silang nakarinig ng kalabog bandang alas-2 ng hapon Lunes. Iyon pala, bumigay na ang biga na tinatayuan ng kanilang bahay. 

Watch more in iWant or TFC.tv

"Nasa labas po kami sa kalsada tapos may malakas na kalabog, bumagsak na pala ang bahay," ani Macabagdal. 

Tila "lindol" ang paglalarawan ng isa pang residente na si Anamarie Remudo sa nangyari. 

"Tapos na po ako maglaba tapos may narinig ako ingay, tapos unti-unting yumuyugyog yung bahay, akala ko nga may lindol eh," ani Remudo. 

Pahirapan ang naging rescue operation sa 79 anyos na nanay ni Macabagdal at sa dalawa niyang anak. Bigo naman silang maisalba ang 13 anyos na pamangkin ni Macabagdal dahil nababad nang matagal sa tubig ang kaniyang ulo. 

Todo ang pagdadalamhati ni Macabagdal lalo na't siya ang tumayong ama sa dalagita.

Naninirahan nang 20 taon ang pamilya sa naturang bahay at alam nilang delikado ang lugar.

Ayon kay Jopet Abando ng Barangay Obrero, posibleng mahina na ang pundasyon ng bahay. Hindi rin umuulan nang gumuho ang bahay. 

"Sa tingin ko po mahina na 'yung pundasyon. Nabali po ung pinaka-biga niya at saka 'yung poste. Sementado po 'yung poste niya pero 'yung mga sahig niya kahoy," ani Abando. 

Pinaiimbestigahan na ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang insidente. 

Lumalabas na kabilang ang pamilya sa 40 pamilyang nakatakdang i-relocate ng National Housing Authority pero naudlot ito dahil sa COVID-19 pandemic. 

Nangako naman ang LGU na sasagutin ang pagpapalibing at pagpapa-ospital sa mga biktima. 

—Ulat nina Jervis Manahan at Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.