'Karanasan sa pagiging working student, dagdag-puntos sa employers'

ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 04:40 PM | Updated as of May 26 2019 07:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Estudyante sa araw, call center agent sa gabi. 

Ganoon kung hatiin ng mechnical engineering student na si Michelle Luna ang kaniyang araw.

Ikinuwento ni Luna na 7 taon na niyang pinagsasabay ang pag-aaral at pagtatrabaho.

"Lumaki po ako na, namulat po ako na kapos sa pera," ani Luna.

"Nagkaroon po ako ng mindset na kailangan kung gusto ko pong makamit, kailangan ko po siyang paghirapan," dagdag niya.

Ipinayo ni Efren Elane, human resource consultant, sa mga nais maging working student na pahalagahan ang pagbalanse sa oras ng pag-aaral at pagtatrabaho.

"They really need to attend to the details of those personal schedules," ani Elane.

"They should aim to finish well on time or before time," dagdag ni Elane.

Ayon naman kay Dominique Tutay, direktor ng Bureau of Local Employment sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE), puntos sa employer ang karanasan ng isang working student.

"It is preparing your youth in a work environment na made-develop na niya ang skills niya habang siya ay nag-aaral," ani Tutay.

"They [employers] will look at pagiging masipag, pagiging matiyaga," dagdag niya.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, isa sa bawat 10 nagtatrabahong kabataan ay estudyante.

Karamihan sa mga working student ay nasa services sector tulad ng wholesale, retail, food at accommodation services.

Ayon naman sa government job portal na Philjobnet, may 960 bakanteng trabaho sa sektor ng food service ngayon.

Ipinaalala naman ng DOLE sa mga employer ang mga panuntunan kapag tumatanggap ng working student na may edad 17 pababa.

Ayon sa DOLE, bawal sa batas ang trabahong higit 8 oras sa isang araw, trabahong lagpas alas-10 ng gabi, at trabaho sa mga delikadong lugar. --Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.