Pagawaan ng pekeng IATF ID sa Recto sinalakay

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 04:35 PM | Updated as of May 25 2020 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Sinalakay ng mga awtoridad ang isang ilegal na pagawaan ng mga pekeng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ID sa kahabaan ng Recto sa Maynila.

Ginagamit ang naturang ID para makalusot sa checkpoint na itinalaga sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Manila Police District (MPD) public information office (PIO) chief Police Col. Carlo Manuel, una nang nakatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad sa produksyon ng mga pekeng IATF ID sa Jemil Printing Services sa Recto.

Noong Linggo ay nasita ang isang motorista na nadiskubreng gumagamit ng pekeng IATF ID na may QR code pa.

Napilitan siya na ituro kung saan niya nabili ang pekeng ID sa halagang P350.

Walong indibidwal ang inabutan ng raiding team sa pagawaan ng mga pekeng ID sa Recto.

Bukod sa IATF ID, sari-saring dokumento pa ang pinepeke ng establisimyento.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa mga naarestong suspek.

—Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.