NBI nagbabala vs delivery riders na nagbebenta ng droga

ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 05:11 PM | Updated as of May 25 2020 11:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinayuhan ng National Bureau of Investigation ang mga local na opisyal na bantayan ang mga delivery rider, lalo at ilan sa mga ito ay suma-sideline bilang tulak ng ilegal na droga.

Ito ay matapos maaresto kamakailan ng NBI ang isang delivery rider na naghahatid at nagbebenta umano ng droga sa isang construction site sa Parañaque.

Ayon sa NBI, dapat maging mapagmatiyag ang mga tauhan ng barangay sa mga rider o may quarantine pass.

“Naghahanap sila ng paraan para makapagbenta kahit may lockdown,” ani Ross Galicia, hepe ng NBI-Task Force Against Illegal Drugs (TFAID).

Ayon kay Galicia, nadiskubreng gumagamit umano ang mga constructioner worker ng shabu, na galing sa nabanggit na delivery rider.

Nabisto ang pagbebenta ng droga matapos maghinala ang mga awtoridad sa ilang beses nang pag-deliver ng rider sa mga construction worker.

Natuklasan din sa construction site ang ilang drug paraphernalia.

Kulong ang mga suspek sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.