Ilang taga-Bauan ref na ang hiling bilang imbakan ng sangkatutak na ayuda

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 04:32 PM

BAUAN, Batangas — Karaniwan nang naririnig sa maraming lugar ang hinaing sa kawalan ng ayuda ngayong umiiral ang community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Pero iba ang sitwasyon sa bulubunduking barangay ng Malindig sa Bauan na pitong kilometro ang layo mula sa bayan.

Hindi kasi sila nauubusan ng pagkain at iba pang relief goods.

Nitong Lunes lang, tatlong kilong bigas ang natanggap ng residenteng si Danny Lopez, kasabay ng ilang kilo karne na ipinamudmod sa mga tagabarangay.

Kaya sa halip na mga pagkain, iba na ang hinihiling ni Lopez at ng kaniyang mga kabarangay.

"Sunod-sunod ang mga karne, manok. Sabi ko ang susunod ay ref na lang [ang ibigay] sa dami ng aming nakukuhang biyaya. Wala naman paglagyan... Malaking tulong ito kaya nagpapasalamat ako sa nag-sponsor sa amin," ani Lopez.

"Naghahabilin kami sa mga may ref. Kailangan ng ref kung may magbibigay," ayon naman kay Gloria Manigbas, isa pang residente.

May kabuuang 115 pamilya sa Barangay Malindig at lahat sila ay pare-parehas na may ayuda.

"Sobra-sobra na ang ibinibigay ng aming kabarangay bukod pa 'yung LGU... Tamad na lang ho kayo kumain kapag nagutom pa kayo," anang barangay chairman na si Ireneo Ilagan.

Una na silang nakatanggap ng mga bigas, tinapay, itlog, manok, karne, condiments, mga sabon, prutas, gulay at mga isda.

"Minsan tatlong beses namimigay sa isang araw basta mga kabarangay namin nagbibigay ng ayuda... Malaking tulong katulad ng mga pagkain hindi na namin bibilhin," ayon naman kay Greg Boonggaling, residente rin ng barangay.

Bukod sa ayudang mula sa munisipyo, nagbayanihan ang mga OFW mula sa barangay at nagpadala ng pera pambili ng ayuda ng mga residente doon.

"Patuloy po ang pamimigay ng pamahalaang lokal sa ating mga barangay officials, frontliners, lahat ng tanod dahil alam po natin sila ang sapul," giit ni Bauan Mayor Ryanh Dolor.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.