6 positibo ng COVID-19 sa Davao City may history ng pagpunta sa Agdao Public Market

Chrislen Bulosan, ABS-CBN News

Posted at May 25 2020 04:53 PM

DAVAO CITY — Anim sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa Davao City ang nanggaling sa isang palengke.

Kinumpirma ito Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nitong Lunes. Aniya, anim na pasyente ang nanggaling sa Agdao Public Market ng lungsod.

Pero hindi na nasabi pa ng alkalde kung mga mamimili lamang ito o mga mismong empleyado at vendor ng palengke.

Pinasara na ang Agdao Public Market araw ng Linggo.

Ayon kay Duterte-Carpio, kailangang maisailalim sa health screening ang lahat ng mga nagtatrabaho sa palengke para malaman kung may iba pa bang positibo sa COVID-19.

Isang linggo ang pagsasara ng palengke para makapagsagawa ng disinfection sa loob.

Sa 13 na kasong nadagdag sa lungsod noong Huwebes, 12 ang mga residente ng Barangay Leon Garcia habang ang isa ay taga-Agdao Proper. Magkakalapit lamang ito na barangay mula sa palengke.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan ng Davao City na mabibigyan ng ayuda ang mga vendors ng Agdao Public Market habang hindi pa makakapagtrabaho.

Mayroon nang 235 na kaso ng COVID-19 sa Davao City, kung saan 25 na ang namatay.