P800 minimum wage, isinusulong bunsod ng 'nakaaalarmang' taas-presyo

ABS-CBN News

Posted at May 25 2018 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinutulak ng isang labor group ang umento sa sahod ng mga manggagawa sa buong bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Kailangan na umanong itaas ang national minimum wage sa P800 dahil "nakaaalarma" na pagtaas ng presyo ng mga bilihin na epekto raw ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law.

"Ang nangyari ay kulang sa pag-aaral ang gobyerno, hindi nila inakala na ganito katindi ang mangyayari," ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).

Bumababa na rin umano ang "purchasing power" o tunay na halaga ng P512 na kasalukuyang minimum wage sa National Capital Region (NCR).

Bukod sa pagtaas ng sahod, humiling din ang grupo ng P500 na subsidy sa lahat minimum wage earners.

"Napakabilis ng pagbulusok kaya kami naalarma...responsibilidad siya ng mga employers at ng gobyerno," dagdag ni Tanjusay.

Inutusan na umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Regional Wage Boards sa buong bansa na magpulong at talakayin ang sitwasyon.

"I told them to work fast because of the situation. We need to find out kung ano ang maaaring gawin para ma-address," ani DOLE Sec. Silvestre Bello III.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News