Nasa P1-B halaga ng droga nadiskubre sa bodega sa Malabon City

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 06:32 PM | Updated as of May 24 2019 07:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Panibagong shipment ng ilegal na droga na tinatayang nasa higit P1 bilyon ang halaga ang nadiskubre ng mga awtoridad, sabi nila sa isang pahayag nitong Biyernes.

Aabot sa 146 kilo ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Malabon police, Bureau of Customs (BOC), at Philippine Coast Guard sa isang bodega sa Malabon City.
    
Nag-ugat ang ikinasang operasyon nang magsagawa ng forensic investigation sa cellphone ng mga naarestong sina Alexander Jun Wah Ting Lee at Patrick John Gankee noong Pebrero 13 sa Dasmariñas, Cavite.
    
Doon na nila napag-alaman na may inaasahang shipment ng ilegal na droga ang grupo.
    
Marso 5 dumating ang isang shipment na naglalaman ng tapioca starch at nadiskubreng inabandona sa BOC.

Nang buksan ng PDEA at BOC ang aluminum pallets, doon na bumungad ang mga nakasilid na hinihinalang ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P1 bilyon.

"During the forensic investigations, we learned that their group is expecting a shipment of illegal drugs concealed in tapioca starch consigned to Goroyam Trading," sabi ni PDEA director general Aaron Aquino.

Galing daw Cambodia ang kargamento at parte ng golden triangle syndicate, dagdag ni Aquino.

Iginiit naman ng BOC na hindi sila nalusutan.

Tinutugis na ng PDEA kung sino dapat ang kukuha ng inabandonang shipment at kung may naunang kargamento na nakalagpas sa kanilang inspeksiyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.