Babae, 25 beses sinaksak ng lasing na kapitbahay sa Isabela

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 24 2018 09:17 PM | Updated as of May 25 2018 02:53 AM

SANTIAGO, Isabela—Nasa kritikal na kundisyon ang 1 babae matapos siyang pagsasaksakin ng kaniyang kapitbahay sa lungsod na ito Miyerkoles ng gabi.

Nagtamo ng 25 saksak sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktimang si Olive Deonisio, 28 taong gulang. Kasalukuyan siyang ginagamot sa intensive care unit ng isang pribadong ospital.

Sa hot pursuit operation ng mga pulis, naaresto ang suspek na si Armando Deocares, 20, at isang construction worker.

Aminado si Deocares na lasing siya nang saksakin ang biktima. Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ng biktima.

Hindi naman matanggap ng asawa ng biktima ang nangyari gayong malapit siya sa suspek.

"Hindi ako makapaniwala na ginawa niya iyon. Itinuring ko pa siyang kapatid. Wala kaming atraso sa kaniya," ani Raymond Balag.

Dagdag pa niya, magkainuman sila ni Deocares bago ang insidente.

Ayon naman kay Police Chief Inspector Rolando Gatan, maaaring panggagahasa ang motibo ng suspek.

"Ito kasing suspek ay may asawa na kapapanganak lang. So noong magkaroon siya ng pagkakataon, pumasok sa bahay ng biktima. Pero nagising itong biktima at nakilala siya. Wala naman nang ibang way ang suspek to silence itong biktima kaya ayun, pinagsasaksak niya nang maraming beses," aniya.

Teorya rin ni Gatan, madaling nakapasok ang suspek sa bahay dahil hindi nakasarang mabuti ang pinto nito.

Nagkataon ding wala si Balag sa bahay dahil nakipaglamay ito sa kapitbahay.

Tumatayong testigo ngayon sa insidente ang 3 anak ng biktima na nakakita sa pangyayari.

Bakas din ang dugo sa paligid ng bahay na palatandaan umanong hinabol pa ng suspek ang biktima.

Sinampahan na ng kasong frustrated murder si Deocares. Nahaharap din siya sa kasong paglabag sa Violence Against Women and Their Children Act dahil sa traumang dulot nito sa mga anak ng biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.