Coast Guard 'floating hospital', ipapadala sa Iligan

Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Posted at May 24 2017 06:37 PM

MANILA – Nakatakdang magpadala ang Philippine Coast Guard (PCG) ng ikalawang maritime vessel sa Iligan City ngayong Miyerkules para magsilbing “floating hospital” doon at tumulong sa paggamot ng mga nasaktan sa labanan ng puwersang militar at mga terorista sa Marawi City.

Kasama sa dala ng BRP Batangas ay ang nasa 10,000 na food packs at non-food items, kasama na ang mga tauhan ng PCG. Kasama sa mga tungkulin ng coast guard doon ay ang pagpapanatili ng seguridad sa lugar, dahil nakatakda ang heightened alert doon ng awtoridad, kasama na ang pulis at militar.

Nitong 1:30 ng hapon ay hinihintay pa ng PCG ang mga relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development bago i-deploy ang BRP Batangas kasama ang mga medical practitioner.

Noong alas-8 ng umaga ay nauna nang pumunta sa Iligan City ang BRP Maribago, na tutulong sa pananatili ng maritime security sa lugar. 

Sumiklab ang labanan ng mga sundalo at terorista mula sa Maute group noong martes, nang tangkain ng militar na arestuhin is Isnilon Hapilon, isang lider ng bandidong grupong Abu Sayyaf na itinuturing na pinuno sa bansa ng Islamic State. 

Nagdeklara ng martial law si Pangulong Duterte sa Mindanao matapos ang insidente, kung saan may mga naitalang 'di matukoy na bilang ng mga namatay at sugatan. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.