Barkong may relief goods, tutulak patungong Iligan

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at May 25 2017 03:19 AM

Tutulak Huwebes ng umaga patungong Port of Iligan ang isang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) para maghatid ng relief goods para sa mga residenteng apektado ng sagupaan ng pwersa ng gobyerno at Maute Group sa Marawi City. 

Ayon kay PCG spokesman Commander Armand Balilo, lulan ng barkong BRP Batangas ang tatlong truck ng relief supplies mula sa Department of Social Welfare and Development.

Laman ng bawat relief pack ang anim na kilo ng bigas, walong delata, at isang pack ng kape.

Mayroon ding ipamimigay na kumot at banig.

Maliban sa mga relief goods ay kasama rin sa karga ng barko ang mga medical team at ilang tropa ng PCG na tutulong sa maritime security operations sa Mindanao.

Pagdating sa Port of Iligan, gagamitin ang nasabing barko bilang isang floating hospital.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.