Bagyong Ambo, nag-iwan ng matinding pinsala sa mga paaralan sa Eastern Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 12:45 AM

Nag-iwan ng malaking pinsala sa mga paaralan ang pananalasa ng bagyong Ambo sa ilang bayan ng Eastern Samar.

Mangiyak-ngiyak at malaki ang panghihinayang ng gurong si Seferina Bianes ng San Policarpo Central Elementary school sa sinapit ng kanyang classroom na matinding napinsala ng bagyo.

Nabasa ang mga instructional materials at iba pang mga gamit at natuklap din ang dingding ng classrooms.

Aniya hindi rin niya inaasahan na magdudulot ng malaking pinsala ang bagyo. Dagdag problema ito para sa kanila.

Dahil sa pinsala ng bagyo, muli na naman ihahanda ang bagong instructional materials para sa pagbabalik ng klase sa Agosto.

Sa Alogan National School of Craftmanship, nagkalat naman ang mga yero mula sa mga classrooms at gym na matindi ring winalis ng bagyo.

Ang classrooms na inihanda sana para sa balik-probinsiya program ay natuklap din ang bubong.

Dito lumikas ang ilang pamilya sa kasagsagan ng bagyong Ambo. Natumba rin ang mga puno ng kahoy sa loob ng school compound.

Hindi rin nakakasiguro ang ilang guro na pagdating sa Agosto sa pagbalik ng klase ay maisasaayos muli ang mga nasirang gamit at classrooms.

Sa inisyal na tala ng Department of Education Eastern Visayas, aabot na sa 49 classrooms ang totally damaged at 369 ang partially damaged na paaralan dahil sa bagyo.

Ayon sa tagapagsalita ng DepEd Eastern Visayas na si Jasmin Galzita, gagamitin ang quick respond fund ng ahensiya para maitayo muli ang mga nasirang classrooms sa mga apektadong lugar.

Inaasahan din ang tulong mula sa pribadong sektor para matulungan ang mga paaralan.

Magtatayo rin ng temporary classrooms para may magamit sa pagbabalik ng klase ngayong Agosto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.