Acting governor ng Rizal, umapelang payagang magka-angkas sa motorsiklo ang mag-asawa

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at May 23 2020 06:09 AM

Sumulat ang acting governor ng Rizal na si Reynaldo San Juan Jr. sa inter-agency task force (IATF) para hilingin na payagan na ang pag-backride o angkas sa motorsiklo, partikular na ng mga mag-asawa na pareho ang tinitirahan at inuuwiang tahanan.

Ayon sa liham, karaniwang napipilitang maglakad ang mga kababaihang asawa ng mga nagmomotorsiklo ng ilang oras para lamang makarating sa kanilang pinapasukang trabaho dahil sa kawalan ng pampublikong transportasyon.

Kapalit ng kahilingan, tiniyak ng pamahalaang panglalawigan na magpapatupad ng karagdagang hakbang para sa kaligtasan ng driver at angkas.

Kasama dito ang mahigpit na paggamit ng face mask, pagsisiyasat ng ID, travel pass, at marriage certificate.

Isinailalim na ang Rizal sa general community quarantine kaya marami sa mga residente nito ang pumapasok na sa mga trabaho.

Base sa inilabas na guidelines ng IATF, hindi pinapayagan na mag-angkas o dalawa ang sakay ng motorsiklo.

Nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang incumbent governor ng Rizal na si Nini Ynarez kaya pansamantalang si San Juan ang tumatayong gobernador ng lalawigan.

Una nang umapela sa isang Facebook post si Cavite Governor Johnvic Remulla kay Health Secretary Francisco Duque III na payagan ang mga mag-asawa na mag-backride sa motorsiklo.

Nanawagan naman si Misamis Occidental 1st District Cong. Diego “Nonoy” Ty sa IATF na payagang mag-backride sa motorsiklo ang dalawang tao na magkasama sa bahay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.