SAPUL SA VIDEO: Lola, tumilapon nang mabundol ng tricycle

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 09:04 PM | Updated as of May 24 2018 05:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakuhanan ng dashcam video ang pagtilapon ng isang lola matapos masagasaan ng rumaragasang tricycle sa Quezon City noong Linggo.

Papunta sana sa palengke noong mga sandaling iyon si Liza Jose para sa tanghaliang iluluto niya para sa kaniyang mga apo.

Pero nang malampasan niya ang isang humintong kotse habang papatawid ng Tandang Sora Avenue, nabangga siya ng isang um-overtake na tricycle.

Napa-tumbling at humampas sa kalsada si Jose, na agad tinulungan ng mga tao sa paligid.

Huminto rin ang nakabanggang tricycle at dinala siya sa ospital para mapatingnan ang kalagayan.

"Pakiramdam ko noon parang umangat 'kako 'yong kaluluwa ko," sabi ni Jose.

Bukod sa bukol sa ulo, nagtamo rin si Jose ng mga pasa at sugat sa katawan.

Hirap pa rin siyang makalad at hindi pa makapagtrabaho bilang labandera.

Ayon kay Pasong Tamo barangay chairman Banjo Pilar, pumayag makipag-areglo ang matanda sa nakabangga, na nagsabing babayaran ang gastusin sa ospital.

Sasailalim din sa pagsasanay ang mga tricycle driver ng barangay para hindi na maulit ang insidente.

"Sa lahat ng drivers, kaunting ingat lang ho," ani Pilar.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.