MMDA enforcer, tinutugis matapos ituro ng dalagita sa panghahalay

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinagbibintangang nanghalay ng isang menor de edad.

Sinampahan ng 14 anyos na biktimang si alyas "Mary" ng kasong rape at paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act si MMDA Traffic Constable 3 Reynaldo Rigor matapos umano siya nitong pagsamantalahan.

Lumuwas si Mary sa Maynila noong Mayo 12 mula Camarines Norte matapos makairingan ang ina. 

Nang makarating sa Cubao, Quezon City isang babae raw ang humabol sa kaniya kaya nilapitan siya ni Rigor at tinulungan bago dalhin sa isang apartelle.

"Nagpapatulong siya sa sakayan pabalik dito tapos 'yong MMDA, nag-offer naman, sinakay niya sa motor niya," ani alyas "Jepoy," tiyuhin ng biktima.

Matapos galawin, iniwan ni Rigor si Mary sa tindahan ng kaniyang kaibigan, na hinalay din umano ang biktima.

"'Yong friend naman niya (Rigor) dinala siya sa apartment sa Quezon City tapos iyon po, in-ano rin daw po siya," ani Jepoy.

Kuwento pa ni Jepoy, kinabukasan ay binalikan pa ni Rigor ang biktima at dinala ulit sa apartelle pero nakatawag si Mary sa kaniyang pamilya para magpasundo. 

Hindi agad ibinunyag ni Mary ang kaniyang sinapit hanggang sa makita na lang ng tiyuhin ang mga bakas ng halik sa leeg ng dalagita.

Nang magreklamo, agad pinuntahan ng pulisya ang bahay ni Rigor pero wala na ito roon. 

Kinumpirma naman ng MMDA na tauhan nila si Rigor at nakatalagang traffic constable sa EDSA.

Anim na araw nang hindi nagpapakita sa trabaho si Rigor at hindi rin nagbigay ng abiso sa ahensiya.

Nakikipag-ugnayan na ang MMDA sa pulisya para matunton ang suspect.

Tinawag naman ni MMDA spokesperson Celine Pialago na "isolated case" ang pangyayari at nanawagang huwag sana itong magdulot ng gusot sa larawan ng MMDA.

"Ayaw naming magkaroon ng judgment sa mga tauhan ng MMDA," ani Pialago.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.