ALAMIN: In-demand na trabaho pero kakaunti ang kumukuhang kurso

ABS-CBN News

Posted at May 23 2018 09:52 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ilang in-demand na trabaho ang inirerekomenda ngayon ng mga ahensiya ng gobyerno para sa mga nag-iisip ng kurso para sa kolehiyo. 

Ito'y sa gitna ng pagkakaroon ng tinatawag na "jobs mismatch" o sitwasyon kung saan hindi tugma ang tinapos sa kolehiyo para sa mga bukas na trabaho.

Ayon sa Commission on Higher Education (CHED), mainam na malaman kung ano ang in-demand na mga trabaho o mga industriyang maraming hinahanap na manggagawa para siguradong may mapapasukan pagkatapos sa kolehiyo.

"There is a mismatch, it has been going on for a long time now... mayroong domestic demand kasi, may global demand, and it is a tricky situation sometimes to address all of these simultaneously," ani CHED OIC Dr. Prospero de Vera.

Sabi ng CHED, kabilang sa mga in-demand ngayon sa loob at labas ng bansa ay ang mga magtatapos sa kursong kakaunti halos ang kumukuha sa kolehiyo tulad ng metallurgical engineers, environmental engineers, at sanitation engineers.

Malaki rin ang demand pero kakaunti ang nagtatapos sa dentistry at graphic animation.

Ayon naman sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP), mataas din ang demand ngayon sa mga welder, plumber, electrician, at construction worker dahil maraming proyekto sa ilalim ng "Build, Build, Build" projects ng gobyerno.

"May companies na nangangailangan ng 20,000 to 30,000 construction workers, hindi malaman kung saan namin kukunin," ani Arturo Guerrero III, ECOP vice chairman.

Marami ring pangangailangan sa mga trabaho sa sektor ng agrikultura, ayon sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Pero ang pinangangambahan ngayon ay ang pagpasok ng artificial intelligence (AI).

Halimbawa nito ang BPO industry na automated answering machine na ang sumasagot sa halip na mga empleyado kaya tila kumakaunti ang pangangailangan sa mga call center agent.

May mga gasolinahan na rin daw na gumagamit ng AI at wala nang gasoline attendant.

"They've started AI in gasoline stations already... They're employing it in the fast food chains, I've seen it in Europe. Swipe then mayroong menu board na lang," ani Guerrero.

Kaya dapat daw ay patuloy na hinahasa ang sarili para makasabay sa mga hamon ng trabaho sa loob at labas ng bansa.

-- Ulat nina Ron Gagalac at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.