11 rebelde patay, kampo nakubkob sa serye ng sagupaan sa Surigao del Sur

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at May 22 2020 04:43 PM

Nakubkob ng mga sundalo ang kampo ng mga rebelde sa Andap Valley sa Surigao del Sur. Larawan mula sa 4th Infantry Division ng Philippine Army.


Umabot sa 11 mga rebelde ang napatay sa serye ng bakbakan simula pa noong Mayo 14 sa Andap Valley sa lalawigan ng Surigao del Sur, ayon sa militar.

Ayon kay Capt. Al Anthony Puebles, chief ng Division Public Affairs Office DPAO ng 4th Infantry Division ng Philippine Army, nagsagawa ng security operations sa lugar ang mga sundalo nang makatanggap ng ulat hinggil sa presensiya ng mga kasapi ng New People's Army.

Hindi pa nakikilala ang mga namatay na rebelde pero may posibilidad umano na apat dito ay mga mataas na opisyal. 

“Nag-exert po tayo ng effort diyan para ma-identify but because of the evidence na nakuha po natin doon sa encounter site, kung saan dalawa dito 'yung laptop na pagmamay-ari nitong si Myrna Solarte, alyas Maria Malaya, 'yung isa po ay kay Alvin Loque, na ito po ay may alyas na Joaquin Jacinto, ito po 'yung spokesperson ng Komisyon Mindanao, mataas po 'yung paniniwala natin na kasama po dito sa mga namatay itong apat na matataas na lider ng New People's Army,” sabi ni Pueblas.

Bukod sa mga laptop, narekober din sa lugar ang limang armas, isang overhead projector, flash drives, external hard drives, dalawang anti-personnel mines, granada, pagkain at mga dokumento.

Napasok din ng mga sundalo ang kampo ng NPA na may kapasidad na nasa 120 mga rebelde.

Nitong Mayo 10, nagsagawa din ng security operation ang mga sundalo sa boundary ng Agusan del Norte at Misamis Oriental kung saan naka-engkuwentro nila ang mga rebelde mula sa Guerilla Front 4A ng North Central Mindanao Regional Committee. 

Nasa 15 rebelde naman ang namatay dito, kabilang na ang apat na lider ng NPA.

Patuloy ang opensiba ng militar laban sa mga rebelde matapos bumagsak ang usapang pang-kapayapaan sa gitna ng gobyerno at communist movement. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.