'Manggagawang naaaksidente, dumarami'

ABS-CBN News

Posted at May 22 2017 08:29 PM | Updated as of May 23 2017 03:14 AM

Pasado na sa committee level at tinatalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang taasan ang parusa sa mga employer na hindi sumusunod sa occupational safety standards at minimum wage.

Sa monitoring ng Alliance of Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), tumataas ang bilang ng mga manggagawa na naaaksidente sa trabaho taon-taon.

Noong 2015, mahigit 200 ang nasawi kabilang na ang mga namatay sa sunog sa Kentex na pagawaan ng tsinelas.

Ngayong 2017 naman, 32 na ang namatay sa workplace accidents.

Nag-inspeksiyon din ang grupo sa 212 factory at halos lahat umano, hindi sumusunod sa occupational safety standards.

Sa ilalim ng occupational safety and health standards, dapat bigyan ng employer ng safety equipment ang kaniyang manggagawa.

Ayon kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, hindi sumusunod dito ang mga employer dahil gusto raw nilang magtipid at lumaki ang kita.

Sa ngayon, tigil-operasyon lang ang maaaring ipataw na parusa sa mga employer na hindi sumusunod sa occupational safety standards. 

Pero kapag nasabatas na ang Occupational Safety and Health Standards Bill, P100,000 na ang multa kada araw ng mga kumpanyang lalabag.

Kapag namatay ang empleyado, pagbabayarin ng P250,000 hanggang P500,000 ang employer at maaari ring makulong nang hanggang 12 taon. Naipasa na rin ang pantapat na panukala nito sa Kamara.

Bukod naman sa mga paglabag sa occupational safety and health standards, may panukala ring taasan ang parusa sa mga employer na hindi sumusunod sa itinakdang minimum wage.

Sa ilalim ng Senate Bill 1381, posibleng pagmultahin ang employer nang hanggang P100,000 sa kada manggagawa nilang mas mababa sa minimum wage ang kita.

Umaasa ang ALU-TUCP na maipapasa agad ang dalawang panukalang malaki ang pakinabang sa mga manggagawa. 


--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.