Menor de edad na miyembro umano ng NPA, nasagip sa Davao Oriental

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at May 21 2020 01:26 AM

Isang 17-anyos na miyembro umano ng New People's Army (NPA) ang nasagip ng mga awtoridad sa bayan ng Lupon sa Davao Oriental matapos ang isang engkuwentro sa pagitan ng militar at ng rebeldeng grupo.

Ayon sa 28th Infantry Battalion ng Philippine Army, nakasagupa nila ang mga miyembro ng NPA sa Sitio Tawas sa Barangay Maragatas ng naturang bayan noong Mayo 9, at matapos ang labanan, nasagip nila ang menor de edad na si "Jack".

Kwento niya umano sa militar, may tatlo pa na katulad niyang mga menor de edad ang kasapi sa mga rebelde.

“He voluntarily divulged information kung papaano sila ine-exploit ng New People's Army. Nabanggit nga din ng na-rescue na bata na nagtatago din ng war materials, 'yung mga NPA sa kanilang tahanan,” ani 1st Lt. Justin Yu, civil-military operations officer ng 28th IB.

Narekober sa lugar ng engkuwentro ang isang M4 rifle, dalawang bandolier, at limang magazine na puno ng bala.

Noong Mayo 16, sumiklab ang isa nanamang bakbakan sa Maragatas at doon nadakip ang isang NPA militia na nagmamanman sa kilos ng militar.

Natagpuan din ang isang arms cache sa Sitio Sigang, na naglalaman ng 2 Garrand rifle, isang M-16 riffle, isang AR-15 riffle at isang Ultimax MK3 Machine Gun.

“Ang ating kasundaluhan, nagtala ng tatlong sugatan,” ani Yu.

Kinondena ng provincial government ang mga aksyon ng NPA.

"Mga rebelde sila, walang mga ideology akong nakikita sa kanila. Kaya kahit sino na lang ang kanilang ginagamit," ani Davao Oriental Gov. Nelson Dayanghirang

Sa kabila nito, patuloy na bukas ang probinsya sa mga nagbabalak sumuko sa mga miyembro ng NPA.

Nasa 42 na dating mga rebelde ang natulungan at nabigyan na ng financial assistance ng probinsya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.