Lalaki huli sa pagnakaw ng bisikleta sa harap ng simbahan

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 09:51 AM

Arestado ang isang lalaki matapos umanong magnakaw ng bike sa harap mismo ng isang simbahan sa Barangay Comembo sa Makati. 

Kuwento ng biktima, ipinarada niya ang kaniyang bike nang hindi naka-lock sa harap ng simbahan bago magdasal. 

Nalaman na lang ng biktima na nawala na ang kaniyang bike nang lumabas na siya ng simbahan. 

Nakunan umano ng CCTV ang pagnanakaw at nakilala ng mga taga-barangay ang suspek kaya kinalauna'y naaresto ang lalaki. 

Naibenta umano ng lalaki ang bike sa halagang P1,000 pero agad din daw itong narekober ng mga awtoridad. 

Ayon sa suspek, nangailangan lang siya ng pera pambili ng bigas para sa kaniyang kapatid kaya raw siya na-udyok na gawin ang krimen. 

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines, chief investigator sa Makati police, hindi raw ito ang unang beses na nagnakaw ang suspek. 

Planong sabihin ng pulis sa barangay na magsagawa ng intervention sa suspek para hindi na maulit ang pagnanakaw. 

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.