'Kotseng nambangga, dating minaneho ng nawawalang Grab driver'

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 05:36 PM | Updated as of May 21 2019 07:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Carnapped o ninakaw ang kotseng umararo sa ilang motorsiklo at sasakyan sa Nagtahan, Maynila noong Lunes, ayon sa Manila Police District (MPD). 

Sinabi ngayong Martes ng MPD Traffic Enforcement Unit na na-trace nila ang tunay na may-ari ng berdeng sasakyan — na may plakang UKE-459 — base sa rehistro nito.

Nakilala ang may-ari bilang si Dra. Laarni Roque pero ang nagmamaneho raw ng kaniyang sasakyan ay ang kaniyang kapatid na si Laurence Fajardo, 44, isa sa mga Grab driver na nawawala mula pa noong nakaraang buwan at hinihinalang dinukot.

Kinumpirma ni Roque na sa kaniyang kapatid ang backpack na nahanap sa loob ng humarurot na sasakyan dahil regalo raw niya mismo ito. 

Lumabas sa imbestigasyon ng pulis na isang pasahero ang nag-book kay Fajardo at sa isa pang nawawalang Grab driver.

Ayon kay Lt. Col. Carlo Manuel, public information officer ng MPD, pinagtutugma nila ngayon ang kaugnayan ng insidente sa Nagtahan at ng mga mawawalang Grab driver.

Nang-araro ng mga motorsiklo at sasakyan ang berdeng kotse sa Nagtahan dahil tinatakasan nito ang naging paglabag sa batas trapiko sa may Recto, anang pulisya.

Kinuyog pa ng mga residente sa Nagtahan ang sasakyan bago tumakas ang nagmamaneho rito.

Samantala, nag-alok na ng P50,000 pabuya ang Grab sa makapagbibigay ng lead sa 2 nawawalang driver. 

--Ulat nina Zyann Ambrosio at Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.