Kagawad patay sa pamamaril sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 01:46 PM | Updated as of May 21 2019 02:12 PM

Patay ang isang 63 anyos na kagawad ng Barangay 131 sa Tondo, Maynila matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang suspek.

Nakilala ang biktimang si Kagawad Ernesto Sibug. 

Batay sa paunang imbestigasyon ng Manila Police District, pasakay na si Sibug sa kaniyang Mitsubishi Adventure sa kahabaan ng Beltran Street, kanto ng Pinoy Street sa Balut nang paputukan ng gunman, ayon kay Public Information Office chief Police Col. Carlo Manuel. 

Naisugod pa sa ospital si Sibug sa Tondo General Hospital pero idineklara rin itong dead on arrival. 

Sumakay ang gunman sa isang itim na Toyota Fortuner na walang conduction sticker at hindi rin naman mabasa ang plaka nito mula sa kuha ng CCTV.

Inaalam pa ang motibo sa pamamaril. 

-- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.