Idol si Tatay: Top 7 PMA cadet, inspirasyon ang sundalong ama

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 01:39 PM

LEGANES, Iloilo – Labis ang tuwa ng pamilya ni Cadet 1st Class Marnel Dinihay nang malamang nasa Top 10 siya ng graduating class ng Philippine Military Academy ngayong taon.

"Proud na proud talaga kami ni tatay niya, ang pamilya niya. Anak, proud si nanay sa'yo at dahil naka top 7 ka. Pagbutihin mo lang," sabi ng kaniyang inang si Diana Fundales.

Tubong bayan ng Leganes ang 21-anyos na kadeteng Ilongga na kabilang sa PMA Class Mabalasik 2019 at Top 7 ng kaniyang klase.

Inspirasyon ni Marnel sa pagsusundalo ang amang si M/Sgt. Alfredo Fundales, na nakadestino ngayon sa Fort Bonifacio.

"Gusto niya maging sundalo balang araw, maging katulad ni tatay niya. Si tatay ang idol niya daw," kuwento ng kaniyang ina.

Mabait at mapagmahal na panganay sa kaniyang 2 nakababatang kapatid si Marnel, ayon pa sa kaniyang pamilya.

"Masaya po ako para kay ate kasi 'yun po ang pangarap niya since maliit pa siya lagi po naming pinag-uusapan 'yung pangarap namin. So siya natupad na," sabi naman ng nakababatang kapatid na si Enid.

Lumaki sa hirap at nakatira sa isang maliit na bahay ang pamilya ni Marnel sa Barangay Guintas. Pangarap niyang maiahon sa kahirapan ang kaniyang mga magulang at kapatid.

Dagdag ng kaniyang pamilya, nakita na nila ang kasipagan sa pagaaral ng anak noon pa lamang. Naging valedictorian siya ng Buntatala Elementary School at with honors sa Iloilo National High School bago kumuha ng kursong Political Science sa UP Visayas.

"Ang dedikasyon niya talaga makapagtapos ng pag-aaral. Tapos masipag parang hindi napapagod sa pag-aaral," dagdag ng ina.

Papasok sa Philippine Air Force branch of service ng Armed Forces of the Philippines si Marnel pagkatapos ng graduation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.