2 patay sa pananambang sa Isabela

Joni Teneza, ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 04:20 PM

PNP Naguilian

NAGUILIAN, Isabela – Dalawa ang patay kabilang ang isang retiradong pulis matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga lalaki sa Barangay Surcoc dito sa bayan, Lunes ng hapon.

Nakilala ang mga biktima na sina Edralino Domingo at negosyanteng si Jane Tul-o. 

Sa imbestigasyon ng pulisya, ihahatid sana ni Domingo ang kumare na si Tul-o sa bahay sa Barangay Benito Soliven sakay ng motorsiklo. Pagdating sa Barangay Surcoc, pinagbabaril sila ng mga lalaking sakay ng puting pickup. 

Ayon pa sa pulisya, posibleng silang dalawa ang target dahil sa dami ng tama ng bala sa kanilang katawan.

“Makikita natin hindi lang isa 'yung target kundi dalawa sila kasi niratrat pa, ayon sa witness bumaba pa sila at talagang fininish po,” sabi ni Police Capt. Mary Jane Sibbaluca.

Nawawala din umano ang dalang pera ng biktima na hindi bababa sa P100,000.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Domingo, habang naiuwi na sa kanilang bahay ang labi ni Tul-o.

Napanood na ng pulisya ang ilang bahagi ng kuha ng CCTV sa pinangyarihan ng insidente kung saan nakitang dumaan ang mga biktima. Pero wala pa umanong kopya ang pulisya ng buong CCTV na posibleng nakahagip din sa mga salarin.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon sa motibo ng pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.