2 lola timbog sa umano'y pagbebenta ng droga sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at May 21 2019 04:18 PM | Updated as of May 21 2019 09:13 PM

 

Watch more in iWant or TFC.tv

Naaresto ang 2 lola sa Cavite City dahil sa umano ay pagtutulak ng ilegal na droga, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Sinalakay noong Sabado ng pulisya ang isang bahay sa Barangay 7, Dalahican district, at naaktuhan ang suspek na si Teodorica Valdez, 63, na nagre-repack ng hinihinalang shabu.

Sa gitna ng operasyon, dumating ang isa pang suspek na si Salvacion Malana, 57, na kaibigan ni Valdez at nagsisilbi umanong runner ng droga.

Isang text message ang natanggap ng mga awtoridad na nagdedetalye sa operasyon ng mga suspek, ayon kay Police Lt. Col. Francisco Luceña III, hepe ng Cavite City Police Station.

Ayon kay Valdez, tinanggap niya ang alok ng pamangkin na magbenta ng shabu para may maipambili ng pagkain ang kaniyang mga apo. 

Nahimok naman si Malana na sumama sa aktibidad ni Valdez.

Hindi itinanggi ng 2 suspek na gumagamit din sila ng droga.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga sachet ng hinihinalang shabu.

Ikinulong ang 2 suspek sa Cavite City Detention Center at kinasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

--Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.