'1 sa 3 Pinoy, posibleng mamatay sa di nakahahawang sakit bago mag-70'

ABS-CBN News

Posted at May 21 2018 11:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa tatlong Pinoy ang posibleng mamatay dahil sa non-communicable disease o iyong mga hindi nakahahawang sakit bago umabot sa edad 70, ayon sa isang pag-aaral.

Ang United Nations Interagency Task Force on Non-Communicable Diseases ang nagsagawa ng naturang pag-aaral.

Ilan sa mga halimbawa ng non-communicable disease ay kanser, diabetes, cardiovascular diseases gaya ng stroke at heart attack, at chronic respiratory disease o mga sakit sa baga gaya ng emphysema.

Ayon kay Dr. Gundo Weiler, World Health Organiztion (WHO) representative sa Pilipinas, may apat na salik ang maagang pagkamatay sa mga non-communicable disease.

Kabilang aniya rito ang paninigarilyo, physical inactivity o kakulangan sa pisikal na aktibidad, maling pagdidiyeta, at mapanganib na pag-inom ng alak. 

Dagdag pa ni Weiler, bilyong piso ang nawawala sa Pilipinas dahil sa mga sakit na ito.

Sa tala ng naman Department of Health, nangunguna pa rin ang sakit sa puso, sakit sa vascular system gaya ng stroke, at kanser sa mga sakit na ikinamamatay ng mga Pinoy.

Ipinapayo ni Health Undersecretary Eric Domingo sa publiko na umiwas sa mga bisyo gaya ng alak at sigarilyo, kumain ng masustansiyang pagkain, at regular na mag-ehersisyo.

"Bawas sa mantika, bawas sa asukal, bawas sa alak, at tsaka less processed food," ani Domingo.

"Malaking bagay ang maitutulong nito para sa pangkalahatang kalusugan natin," aniya.

Dagdag pa ni Domingo, nakatutulong din sa pagbabawas ng timbang at pagpapalakas ng resistensiya ang paglalakad lang ng kalahating oras o 10,000 hakbang kada araw.

-- Ulat ni Kori Quintos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.