Pinoy nurses sa UK nag-aalala sa kakulangan ng PPEs, kawalan ng retesting

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at May 20 2020 06:48 PM

LONDON - Maliban sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE), wala rin daw testing para sa COVID-19 bago bumalik sa trabaho ang mga nagkasakit na frontliner mula sa National Health Service (NHS) ng United Kingdom. 

Dahil dito, nag-aalala ang maraming Pinoy frontliners sa UK, tulad ni "Annie," di niya tunay na pangalan. 

Nag-positibo sa COVID-19 si Annie, 35, nurse sa England at kasalukuyang naka-quarantine kasama ang 3 flatmates na may COVID-19 din. Nag-aalala pa rin siya dahil wala naman daw re-testing bago siya bumalik sa trabaho. 

"Wala pong re-swab. Sasabihin lang po kapag wala ka nang nararamdaman, puwede na pong pumasok," kuwento ni Annie sa isang panayam sa ABS-CBN News. 

Kaya natatakot din siya na bumalik sa trabaho. 

"Hindi po sila nagre-retest eh. Worried po ako sa iba kasi hindi naman po lahat mild symptoms at di mo po malalaman kung nakakahawa ka pa rin ba," sabi ni Annie. 

Di rin mapanatag ang pamilya niya sa Pilipinas. 

"Worried sila sa akin. Alam mo sa Pilipinas, may stigma ang COVID-19. Kaya when they found out, talagang nag-alala sila."

Ginawang prayoridad ang pagte-test sa mga frontliners sa UK matapos batikusin ang gobyerno ni Prime Minister Boris Johnson dahil sa tumataas na bilang ng frontliners na namamatay sa COVID-19. 

Pero sabi ni Anne, sa kabila ng aksyon ng gobyerno, wala pa ring sapat na PPEs sa ilang ospital tulad ng pinapasukan niya. 

"Wala pong face shield, surgical mask lang talaga. Pero ang ward po namin, positive na sa COVID-19 ang mga staff," paliwanag ni Annie. 

Dagdag niya: “Wala kaming hazmat, wala kaming FP3 mask, kasi ang required lang nasa critical care. Wala rin po kaming long sleeve gowns. Di siya required sa amin. Magfe-face shield lang po kung may splashes, pero di po siya required. Kasi 'yung pasyente dinadala sa amin from COVID ward tapos nagpapa-positive, so hindi po kami protected.”

Ilan lang ang sentimyento ni Annie sa problemang inilapit ng grupong Filipino Nurses UK Association sa pinakamalaking unyon ng nurses sa bansa, ang Royal College of Nursing (RCN). Sumaklolo rin ang RCN sa reklamo ng ilang nurse sa UK na napipilitang bumalik sa trabaho kahit hindi pa fully recovered dahil sa pressure sa kanila ng mga superiors. 

Una nang nagpaabot ng mensahe ang embahada ng Pilipinas, sa pamumuno ni Ambassador Antonio Lagdameo, na imbestigahan kung bakit maraming Pinoy frontliners sa medical field ang namamatay. Sa tala ng Filipino Nurses UK Association, umaabot na sa 40 ang Pinoy nurses na namamatay sa UK dahil sa COVID-19. 

Nagtala na rin ng higit 34,000 ang namatay sa UK, pangalawa sa US na may pinakamataas na COVID-19 deaths sa buong mundo.