Lalaking bumili ng mamahaling relos gamit ang pekeng tseke, arestado sa Makati

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at May 20 2020 06:03 AM | Updated as of May 20 2020 07:26 PM

Kulong ang isang lalaking sangkot sa pagnanakaw ng P1.2 milyong halaga ng relos sa entrapment operation ng mga awtoridad nitong Martes ng hapon sa Makati City. 

Ayon kay Makati City police chief Police Col. Rogelio Simon, pumalag pa sa pag-aaresto ang 27 anyos na suspek na nakilala sa iba't ibang alyas gaya ng Brent at Jaime Joseph nang arestuhin siya ng mga pulis sa labas ng isang condominium sa Barangay Bel Air. 

Hinuli rin ang security guard ng condo dahil sa pagtulong umano sa suspek na makaiwas maaresto. 

Kuwento ng pulis, unang humingi ng tulong sa kanila ang isang 31 anyos na residente ng Magallanes Village para marekober ang nanakaw sa kanyang wristwatch. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Sabi ng biktima sa pulis, binenta nito ang relos sa suspek sa pamamagitan ng online selling app noong Mayo 4. 

Nadiskubre ng biktima na peke pala ang manager's cheque na pinambayad ni alyas Brent. 

Pagkatapos nito, nakita ng kaibigan ng biktima na binebenta na pala online ang relos kaya doon ikinasa ang operasyon para mabawi ito. 

Bukod sa relos, nakuha rin sa suspek ang isang caliber 40 na baril at mga ID na iisa ang mukha pero iba-iba ang pangalan. 

Pakakasuhan ang suspek ng theft, disobedience, direct assault of an agent of a person in authority, concealing of true name at paglabag sa Firearms and Ammunition Regulation Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.