Germany nangangailangan ng 350 Pinoy nurses: POEA

ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 06:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binuksan sa bansang Germany ang 350 trabaho para sa mga Pinoy nurse, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Kukuhanin ng German Federal Employment Agency ang mga Pinoy nurse para sa mga trabaho sa intensive care unit, geriatric care, nursing home, elderly care, general ward, medical and surgery ward, operating room, neurology, at orthopedics.

Aabot sa €2,000 o P118,000 kada buwan ang sahod ng Pinoy nurse sa Germany.

Maaari pang tumaas ang sahod sa €2,400 o P141,000 kapag kinilala na bilang isang kalipikadong nurse.

Isa sa mga rekisito ang 2 taon na karanasan bilang nurse sa ospital o medical institutions.

Handa rin dapat na magsanay ng German language na libreng ipagkakaloob sa mapipiling aplikante.

Ayon kay POEA administrator Bernardo Olalia, walang babayarang recruitment fee o placement fee ang aplikante dahil "government-to-government" ang pagkuha.

Sasagutin din ng employer ang air transportation at tutulungan ang nurse na makahanap ng lodging, ani Olalia.

Nagpaalala ang POEA na sila lamang ang magpoproseso ng mga aplikasyon at hindi kailangang dumaan sa mga recruitment agency.

Nakatakda sa Hunyo 7 ang huling araw ng pagsumite ng mga application at requirement.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.