2 kasambahay huli sa 'pagtangay' ng P1.5-M halaga ng cash, alahas

ABS-CBN News

Posted at May 19 2019 02:18 PM | Updated as of May 19 2019 02:19 PM

MAYNILA -- Naaresto noong Sabado ang 2 kasambahay matapos umanong tangayin ang nasa P1.5 milyong halaga ng cash at alahas mula sa dati nilang amo sa San Juan City.

Kinilala ni Police Col. Ariel Fulo ang mga suspek bilang sina alyas "Lulu," 49, at alyas "Inday," 20, na parehong nagsilbing stay-in na kasambahay ng nagreklamong si Victoria Marzan sa Barangay Greenhills.

Natuklasan ni Marzan, 58, na nawala sa kaniyang safety vault ang kaniyang mga pera at alahas noong Sabado, 2 araw matapos magbitiw sa trabaho ang 2 suspek bilang kaniyang mga kasambahay.

Isang buwan lang nanilbihan para kay Marzan ang 2 suspek matapos irekomenda ang mga ito ng kaanak ni alyas "Lulu," ayon sa pulisya.

Posibleng modus ng mga suspek ang mag-aplay bilang mga kasambahay para matangay ang mga mamahaling gamit ng kanilang mga amo, ayon sa pulisya.

Itinanggi ng 2 suspek ang paratang.

Nakadetene sa San Juan City Police Custodial Facility ang 2 suspek na nahaharap sa kasong qualified theft.

--Ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.