Pamilya ng namatay na police cadet, nais magsampa ng kaso

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 10:53 PM

Namatay si Al-Rasheed Macadato (kaliwa), 21, noong Mayo 15 matapos umano mawalan ng malay sa kalagitnaan ng training sa Philippine National Police Academy. Cindy Macadato

KALILANGAN, Bukidnon—Pinag-aaralan ng pamilya ng namatay na kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang opisyal ng akademiya.

Naniniwala ang pamilya na mayroong kapabayaan kung bakit namatay noong Mayo 15 si Al-Rasheed Macadato, 21 anyos, matapos nawalan ng malay sa kalagitnaan ng training exercise sa bayan ng Silang, Cavite.

Isang 4th-class cadet ng PNPA si Macadato at 10 araw pa lamang sumailalim sa summer training program.

Heat stroke umano ang ikinamatay ni Macadato, pero nang nakita ng pamilya ang kaniyang death certificate, nagkaroon ito ng multiple organ failure.

Ipinaliwanag ng PNPA sa pamilya na matapos nawalan ng malay si ang biktima ay dinala siya sa dispensary ng PNPA para lapatan ng paunang lunas.

Pero lumipas ang ilang oras bago siya dinala sa ospital.

"Hindi po heat stroke ang ikinamatay ng anak ko, kundi multiple organ failure dahil hindi siya nabigyan ng oxygen kaagad. Kung nabigyan man ng first aid, ayon sa salaysay ng PNPA, dapat dinala kaagad sa Qualimed Hospital na malapit lang sa academy," ani Engr. Rashad Macadato, tatay ng biktima.

Iniimbestigahan din ng pamilya ang natanggap nilang report na dead on arrival na sa hospital si Macadato nang dinala sa hospital Mayo 14 ng gabi.

"Dinala daw ang anak ko doon after two hours pa. Galing siya sa dispensary kasi [standard operating procedure] daw ng doktor o sino man kung kailan dalhin," ani Cindy Macadato, nanay ng namatay.

"Bakit ganu'n? Nakita na nila 'yung anak ko nahimatay pero hindi man lang binigyan ng atensyon."

Bunso sa 2 magkapatid si Al-Rasheed Macadato. Nagtapos ito ng criminology at naging top 2 sa Northern Mindanao sa licensure examinations.

Bata pa lang umano ang biktima ay pangarap na niyang maging pulis.

"Namatay po ang anak ko dahil sa kapabayaan at pagkukulang sa loob ng academy. Gusto ko pong makulong at mawalan ng lisensya ang mga may kasalanan sa nangyari sa aking anak," ani Rashad Macadato.

Dagdag ng nanay na si Cindy: "Siguro hindi na mawawala ang sakit sa pagkawala ng aking anak. Mababawasan lang kung mapanagot ang mga tao na nagpabaya sa kanya." 

Una nang sinabi ng PNPA na magsasagawa rin sila ng imbestigasyon para malaman kung mayroong pagkukulang sa kanilang training program.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.