Negosyante na dawit umano sa droga patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 03:53 PM

Photos courtesy of Sagay police

Patay ang isang 52 anyos na negosyante nang pagbabarilin sa Sagay City, Negros Occidental Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Antonio Benitez, naghahatid sina Agapito Abastillas at kaniyang mga tauhan ng paninda nilang frozen chicken sa isang tindahan nang bigla itong lapitan ng naka-bonnet na lalaki at pagbabarilin.

Agad din na umalis sakay ng motorsiklo ang gunman.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ng Sagay police ay ang isa sa mga tauhan ng biktima na pinaalis niya kamakailan lang.

Masama raw kasi ang loob nito at ngayo'y hindi na rin mahanap sa kaniyang tinutuluyan.

Hindi rin inaalis ng kapulisan ang posibilidad na may kinalaman sa ilegal na droga ang nangyari dahil nasa drugs watch list nila ang pinatay na si Abastillas.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya.

Sa San Isidro, Nueva Ecija naman sugatan sa pamamaril ang isang 72-anyos na negosyante, Biyernes ng umaga.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Nueva Ecija Provincial Police Office, galing sa bahay ang hindi pinangalanan na biktima at palabas na sa National Highway sakay ng kaniyang kotse nang tambangan ng dalawang hindi pa kilalang salarin na sakay ng motorsiklo.

Nakuha pa ng biktima na pumasok sa isang subdivision pero sinundan pa rin siya ng mga suspek at muling pinagbabaril bago tumakas.

Tama sa kaliwang braso at binti ang tinamo ng biktima na agad dinala sa ospital.

Isasailalim naman ng awtoridad sa ballistic examination ang nakuhang siyam na basyo ng bala ng kalibre .45 na baril mula sa crime scene.

Inaalam pa ng pulisya kung ano ang motibo sa pamamaril.

—Ulat ni Martian Earl Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.