Lalaking pinatay noong Abril 'wagi' bilang konsehal sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 02:37 PM | Updated as of May 18 2019 08:14 PM

Malaki ang pasasalamat ng pamilya ng isang reelectionist councilor sa Escalante City, Negros Occidental dahil kahit pumanaw na ang kaanak ay binoto pa rin siya ng mga kababayan. 

Si Bernardino Patigas ay pinagbabaril noong Abril 22 habang papauwi galing kampanya. 

Pero sa resulta ng halalan noong Lunes, wagi pa rin si Patigas na pang 8 sa mga nakakuha ng pinakamataas na boto at pasok sa pagka-konsehal. Higit 18,000 boto ang nakuha ng pumanaw nang reelectionist candidate. 

Ayon kay Lodovico Patigas, kapatid ng biktima, maraming nagmamahal kay Bernardino.

Ang bunsong kapatid nina Bernardino at Lodovico na si Abraham Patigas ang siyang papalit sa pinatay na konsehal ng lungsod. 

Sa ilalim ng panuntunan ng Commission on Elections (Comelec), pinapayagan ang ganitong substitution basta't pareho ang apelyido ng papalit sa orihinal na kandidato. 

Nangako naman si Abraham na ipagpapatuloy ang nasimulan ng kaniyang kuya sa lungsod.

—Ulat ni Martian Earl Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.