Failon Ngayon: Party Drugs

ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 11:58 PM | Updated as of May 19 2019 04:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labing syam na taong gulang si alyas “Isa” nang umalis siya ng Surigao at mag-aral sa Maynila. Dahil mag-isang namumuhay, dinapuan siya ng lungkot hanggang natangay siya ng mga kaibigan sa mga bar.

Natutunan niyang uminom ng alak at manigarilyo pero dumating ang punto na hindi na lang simpleng gimik ang ginagawa ni Isa dahil nakakagamit na rin siya ng droga. Sa tulong ng mayayamang kaibigan, nasusustentuhan ni Isa ang bisyo. Ayon pa sa kanya, tanggal daw agad ang homesickness niya kapag nakakagamit nito. At kapag high na sa droga nangyayari na ang pakikipagtalik ni Isa sa mga kaibigang nagbibigay sa kanya ng libreng droga.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency, hindi na lang mga eskinita at mga tagong drug den ang kanilang target ngayon dahil ang adiksyon sa ilegal na droga ay nangyayari na rin sa mga lugar na puntahan ng mga kabataan. At ang mga drogang ito, halo-halong kemikal pa ang halo kung saan uso raw ito sa mga kabataan, ang ecstasy.

Paliwanag dito ng Director General Aaron Aquino ng PDEA: “Ang ecstasy kasi it could be on a tablet, it could be on a capsule, it could be also du’n sa powderize or crystallize. Each tablet has its own name. May ups na tablets. If ang shape n’ya simcard, call it simcard. Tapos ang shape n’ya just like a Pac-man, magiging pacman ang tawag nila du’n. This is to entice users to take in kasi parang gummy bears ang dating so colorful, kaya ang market nito puro kabataan.” 

Pero hindi na lang parang tableta o kapsula ang itsura nito ngayon dahil may liquid ecstasy na rin. Ayon kay Lilibeth Lumapas, isang registered chemist: “Ang liquid ecstasy ay hindi ecstasy na pill na dudurugin mo at ihahalo sa alcohol para maging liquid. Iba ’yung liquid ecstasy. Ang liquid ecstasy is just an aka of GHB (gamma-hydroxybutanoic acid), so it is a central nervous system depressant. Iba d’yan is through injection, para direkta s’ya sa bloodstream. ’Yung iba naman hinahalo pa sa inumin, it’s odorless, tasteless and colorless.”

Dagdag pa ni Aquino: “Both are dangerous but ang sa tingin ko ’yung liquid is more dangerous because usually ang liquid ecstasy ginagamit nila pangbiktima. In just a few drops, it will create unconsciousness doon sa biktima so ’yan ang nakakatakot especially ’yung mga kabataan natin na nagpupunta sa mga bars na minsan pumupunta sa comfort room at iiwanan ’yung kanilang drinks. At meron nga tayong video na mapapakita roon na nag-take ng about 1 ml ’yung babae ng liquid ecstasy, combined with i think a bit of cocaine. Makikita mo ’yung seizures sa babae. It will show the effects of this drug na parang nagiging zombie na sya. In fact, ’yung 1 ml n’ya napakarami na nu’n.”

Kung matatandaan, nagkaroon na ng iba’t ibang kaso ng pagkamatay dahil sa mga party drug na ito. Tina-target kasi ng mga party drug na ito ang utak at puso ng mga gumagamit nito.

Ayon sa PDEA, kadalasan ay imported ang party drugs, pero nakakagawa na rin sa bansa ng ganitong uri ng ilegal na droga. Paliwanag ni Aquino: “We have joint operations by customs and PDEA and other law-enforcement agencies wherein we are able to seize more or less 18,000 tablets of ecstasy and that’s worth about P29 million. Pinapadala kasi ito through service couriers, international service courier. Papadala sa’tin dito sa Pilipinas, dadaan ng customs. Is it last year or 2017 we are able to dismantle the first ecstasy drug lab in Malabon. Ang ibig sabihin nu’n, during that time, ecstasy is being manufactured locally already maybe with some ingredients being imported. We are coordinating with this international services courier. In fact we have already called their attention, i think twice already, and we discussed about how can we help each other to stop this kind of modus.”

Kamakailan lamang ay nakasabat pa sa isang hotel ang PDEA ng ipinagbabawal na party drugs na nagkakahalaga ng P200,000. Ang mga suspek, nasa 20 hanggang 30 anyos lamang. At dahil kabataan ang target, online daw ngayon ang paraan ng bentahan.

Kung ang puntirya ng mga nauusong ilegal na droga ay mga kabataan, mga magulang, mahalagang malaman ang ikinikilos ng inyong mga anak upang adiksyon ay maiwasan.
___

Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng "Pinoy Brother Otso"
alas-11 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas-2 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph