Bahay muntik masunog matapos tamaan ng kidlat sa Iloilo

Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

Posted at May 18 2019 09:37 AM | Updated as of May 18 2019 08:09 PM

Nagkabutas at may bakas ng pagkasunog ang bahagi ng kama na tinamaan ng kidlat sa kasagsagan ng malakas na pagbuhos ng ulan sa Iloilo City. Joyce Clavecillas, ABS-CBN News

ILOILO CITY - Tinamaan ng kidlat ang kama sa loob ng isang bahay sa Barangay Benedicto sa bayan ng Jaro, Biyernes ng gabi.

Nabutas ang foam ng kama sa loob ng bahay ng pamilya Liboon kung saan tumama ang kidlat.

Ayon sa may-ari ng bahay na si Barangay Secretary Rowena Liboon, kaaalis lang ng kaniyang 10-taong gulang na anak nang mangyari ang insidente.

Sabi niya, ang kanilang kapitbahay ang nakakita na tumama sa puno ng niyog ang kidlat at nakita na lang mula sa bahay nila na may usok.

Dagdag niya, posibleng tinamaan din ng kidlat ang kanilang bubong bago dumiretso sa kanilang kama.

Pinagpapasalamat na lang ni Rowena na walang tao sa kanilang bahay nang tumama ang kidlat. Ikinuwento na lang sa kaniya ng mga kapitbahay ang nangyari.

Ayon sa mga residente, hindi na lumaki ang apoy dahil malakas ang ulan. Tanging kama lang ng pamilya Liboon ang napinsala.

Biglang bumuhos ang malakas na ulan sa Iloilo City mag-aalas-6 ng gabi Biyernes at kasabay nito ang sunod-sunod na pagkulog at pagkidlat. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.