Smoking ban epektibo na sa buong bansa

ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 08:29 PM | Updated as of May 19 2017 03:03 AM

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang executive order (EO) na nagbabawal sa pagsisigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa.

Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, pinirmahan ni Duterte ang kautusan Mayo 16. 

Una nang sinabi na ibabase ang EO sa ipinatutupad sa Davao City, kung saan bawal ang paninigarilyo sa mga parke, bus station, mga sasakyan at iba pang itinuturing na pampublikong lugar.

Sin Tax Law

Mula naman nang ipatupad ang sin tax law, malaki na ang itinaas ng presyo ng sigarilyo. 

Noong nakaraang taon, nilakipan na rin ang mga pakete ng sigarilyo ng graphic warning labels na nagpapakita ng masamang epekto ng pagyoyosi.

Ayon sa Department of Health, mahigit isang milyong Pinoy na ang tumigil sa pagyoyosi, base sa Global Adult Tobacco Survey. Mula 17 milyon noong 2009, 15.9 milyon na lang ito nitong 2015.

Batay din sa survey, 3 sa bawat 4 na Pinoy na naninigarilyo ang gusto na ring tumigil sa bisyo.

Pero para sa isang grupo ng mga doktor, dapat mahikayat pa ang mas maraming Pinoy na tuluyang tumigil sa paninigarilyo. 

Kaya ang isinusulong nila ngayon, gawing P400-P500 kada kaha ang presyo ng sigarilyo.

Ibig sabihin, lalabas na P20 na kada isang stick ng sigarilyo.

Isa pang isinusulong ng grupo ang pagtaas ng legal na edad sa mga naninigarilyo, na mula 18 ay gawin itong 21 years old.

Pero para sa ilang nagyoyosi, sadyang mahirap iwanan lang ang bisyo kahit pa tumaas ang presyo nito.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.