Puerto Princesa electric bills, tumaas sa kabila ng laganap na blackouts

Chinee Palatino, ABS-CBN News

Posted at May 18 2017 09:03 PM

Kinukuwestyon ng ilang residente ng Puerto Princesa ang pagtaas ng bayarin nila sa kuryente gayong maya't maya naman daw ang blackout.

Nagsimula ang madalas na blackout noong Abril 25 nang ipatupad ng Palawan Electric Cooperative (Paleco) ang pagkontrol ng konsumo ng kuryente.

“Dati P500 naging P800 kasi patay sindi ang kuryente. Hindi mo naman mabunot kagaad kasi nagtatrabahao ka,” ani Arcelita Venturillo, residente.

 “Nasira na nga ‘yung [refrigerator] namin dahil sa madalas na blackout tapos tumaas pa ang bill,” ani Buddy Oliveros, residente.

Si Rante Ramos naman, isang certified public accountant, direkta nang sumulat sa pamunuan ng Paleco.

Ang sulat ni Rante Ramos sa pamunuan ng Paleco.

“Ang ine-expect ko palibhasa nagkakaroon ng madalas na blackout so kokonti ‘yung panahon na ginagamit yung kuryente, ang ine-expect ko baba ang bill pero kabaligtaran ‘yung nangyari. Nagtanong ako sa mga kakilala at ganun rin ang kanilang experience,” ani Ramos.

Wala naman daw siyang idinagdag na appliance sa kanilang opisina at katulad pa rin ng dati ang kanilang konsumo. Kaya nagulat ito na nasa P700 ang itinaas ng kanilang electric bill.

Sa kanyang sulat, hinamon nito ang Paleco na magsagawa ng isang simulation experiment para maipakita kung ano ang epekto ng madalas na blackout sa konsumo sa kuryente.

“Mag-simulate tayo ng isang appliance na parehas ang rating, ang wattage at ‘yung isa pinapatakbo ng steady 220 volts at yung isa naman sinadyang ibaba yung boltahe sa 180 volts. Then obserbahan natin ‘yung meter reading,” aniya.

Natanggap na raw ng Paleco ang sulat pero hindi na raw kailangang magsagawa ng ganoong eksperimento.

“'Yung simulation not necessarily na physically na eh mag-install ka ng ganyang appliances. You can do the simulation using the computers, input the values you want sa Excel,” ani Engr. Ricardo Adajao ng Paleco Technical Services Department.

Giit nito, maliit na porsyento lang ang epekto ng voltage drop sa bill sa kuryente.

“Minimal, napakaliit. It's only 0.01% increase sa power consumption,” ani Adajao.

Pero panawagan pa rin ni Ramos na sana’y mapagbigyan ang isang simulation experiment para mapatunayan sa publiko kung totoong maliit lang ang epekto ng patay-sinding kuryente sa electric bill.

Dagdag niya, kung makitang ito nga ang dahilan ng pagtaas ng electric bill, nararapat lang daw magkaroon ng bill adjustment. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.