Mga taga-Davao City, pinagbawalang makapasok sa ilang lalawigan sa Davao region

Andoreena Causon, ABS-CBN News

Posted at May 17 2020 08:34 PM

DAVAO CITY - Pinagbawalang pumasok sa mga lalawigan sa Davao region ang mga taong mula sa Davao City at Bukidnon alinsunod sa sa guidelines ng ipinapatupad na general community quarantine sa mga lalawigan sa rehiyon.

Nakunan ng video ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng Davao del Norte ang mahabang pila ng mga sasakyan sa boundary ng Carmen at Tagum City nitong Sabado.

Halos hindi na umuusad ang mga sasakyan na patungong Tagum City dahil sa mahigpit na inspeksyon ng pulisya sa checkpoint.

Simula kahapon bawal nang pumasok ang mga tao o empleyado galing Davao City at Bukidnon batay sa Executive Order Number 40 ng provincial LGU ukol sa guidelines ng ipinatutupad na general community quarantine.

Tanging mga miyembro ng COVID-19 crisis management response team, health workers, pulis, sundalo at ang mga may pahintulot galing kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na chairman ng Davao Region COVID-19 Task Force ang papasukin sa lalawigan.

Nagpatupad naman ng parehong guidelines ang mga karatig probinsya ng Davao de Oro at Davao Oriental.

Ayon kay Governor Jayvee Tyron Uy, paraan nila ito para maiwasan ang pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases lalo't itinuturing ang Davao City na high risk area dahil sa local transmission ng sakit.

"Nagkasinabot mi sa Davao Oriental with Governor Nelson Dayanghirang ug Governor sa Davao del Norte si Governor Edwin Jubahib nga i-limit gihapon nato ang movement sa pagsulod ug paggawas sa Davao City. Hugtan sa gyud ang borderline which is ang Davao del Norte padulong sa among mga probinsya," ani Uy.

(Napagkasunduan namin nina Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang at Davao del Norte Governor Edwin Jubahib na limitahan ang movement ng mga tao papasok at palabas ng Davao City. Higpitan talaga ang borderline which is ang Davao del Norte papunta sa aming probinsya.)

Samantala sa Digos City, Davao del Sur, pinapayagan namang makapasok ang mga empleyado galing sa Davao City basta may maipakitang work pass, company ID at medical certificate.

"Ang gina cater namo from Davao kato lang gyung gi offeran sa presidente og balik probinsya program. Katong na trap nga taga digos nga naa sa Davao mao lang to ang pwedeng makasulod (cut to) Ang amoa lang naa silay work pass kung mahimo lang naa gyud silay dala nga certificate nga free of signs and symptoms sila sa COVID," ani Gil Gubat, City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) head ng Digos City.

(Ang tinatanggap namin galing Davao 'yun lang naka-avail sa balik probinsya program. Yung mga taga Digos na na trap sa Davao. Ang sa amin dapat mayroon silang (empleyado galing Davao) work pass at kung maaari magdala ng certificate na free sila sa signs at symptoms ng COVID-19.)

Sa huling tala nitong Sabado, nasa 176 na ang COVID-19 cases ng Davao City kung saan 22 ang namatay habang 92 ang nakarekober.

Umabot na sa 12,513 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa buong Pilipinas, kung saan 824 na ang namatay habang 2,635 naman ang gumaling.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.