Lalaki nakuhanan ng baril, mga bala sa GenSan

ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 06:17 AM

GENERAL SANTOS CITY - Sinalakay ng mga pulis ang bahay ng isang kawani ng isang investment group sa Barangay San Isidro, General Santos City Huwebes ng gabi.

Nakasaad sa search warrant laban sa target na may itinatago itong matataas na kalibre ng baril.

Pero sa pagpasok pa lang ng raiding team, agad nang isinuko ng target ang kalibre .45 na baril na nakalagay sa isang sling bag. Nakita rin sa loob nito ang mga bala.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 12, may nagsumbong sa kanila na may hawak na baril ang target.

May ipinakitang dokumento ang target, pero hindi umano ito lisensiya at rehistro kaya ilegal ang baril nito.

Hinalughog ng mga pulis ang bahay ng target, pero wala nang makita pa.

Depensa ng target, ibinigay lang umano sa kaniya ang baril. Inakala raw niyang ang hawak niyang dokumento ay sapat na.

Gayunman, nakahanda siyang harapin ang isasampang kaso na illegal possession of firearm and ammunitions. - Ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.