Alkaldeng nakakulong, nahalal muli sa Antique

Jennifer Garcia, ABS-CBN News

Posted at May 17 2019 04:40 PM | Updated as of May 17 2019 04:50 PM

Bugasong, Antique Mayor John Lloyd Pacete na nakakulong dahil sa kasong paglabag sa election gun ban noong 2016. ABS-CBN News

Mananatiling alkalde si John Lloyd Pacete sa bayan ng Bugasong, Antique.

Ito'y matapos niyang talunin si incumbent Vice Mayor Bernard Pesayco na siya ring acting mayor ngayon dahil sa pagkakakulong ni Pacente.

Nakakuha si Pacete ng 10,139 boto, habang may 6,790 boto naman si Pesayco.

Laking tuwa naman ng ilang residente ang pagkapanalo ni Pacete. Hiling nila na makalaya na ang alkalde, na nakakulong dahil sa kasong paglabag sa election gun ban noong 2016.

Ipinag-utos ng korte ang kaniyang pagkakakulong nitong Abril lamang.

Ayon sa Commission on Elections-Antique, naiproklama na si Pacete kahit hindi ito nakadalo sa seremonya dahil hindi mandatory ang personal appearance.

Ang mahalaga ay makuha ang kampo ni Pacete ang kopya ng certificate of canvass of proclamation sa Comelec.

Samantala, Department of the Interior and Local Government ang magdedesisyon kung maaaring umupo sa puwesto si Pacete kahit nakakulong ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.